Dagos tabi kamo!

A compilation of literary works, views, images, videos and straightforward discourse on politics, economy, culture, arts, society and current events. The blogger is native Bicolano from Sorsogon. Although he is considered as a pride of Bicol (Orgullo nin Bicol), he writes and speaks fluent Tagalog than dialects. Read on as he shares her views on various issues.

Pages

Powered By Blogger

Sunday, June 14, 2009

KOMENTARYO


MEDYO MEDIA
Ni Fernan Emberga

Ganito kami sa Bulusan

MULA sa mahimbing na pagkatulog, nagulantang ang matulain at makasaysayang bayan ng Bulusan sa Sorsogon. Bumungkaras o bumalikwas sa higaan ang mga residente sa aking bayang sinilangan hindi dahil sa dupikal ng antigong kampana sa aming sinaunang kampanaryo kundi dahil sa gasolinahan na itinayo sa tabi nito.

Winarat ng konstruksyon ang makasaysayang patio na naging palaruan namin noon sa paanan ng simburyo. Sinasalaula ang itinuring na sagradong lugar ng mga parisyuner ng parukya. Ikinakalakal na ng mismong kura-paruko at ng Obispo sa Sorsogon ang simbahan ng Saint James The Greater Parish sa Bulusan.

Kunsabagay ano nga naman ang interes ko sa Simbahang Katoliko na dumanas na ng ‘spiritual bankruptcy?’ Wika nga ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ The Name Above of Every Name, isinara na ng ‘Almighty Father’ ang simbahan at mga relihiyon dahil sa kabiguang magampanan ang gawaing espirituwal na ipinagkatiwala sa kanila. Datapwat ako’y tumugon at nakiisa sa panawagan at pagkilos ng aking mga kababayan dahil ang sinisira ay ang aming ‘historical landmark’ at ‘cultural heritage site’ na pamana sa mga Buluseno ng kasaysayan.

Ang lumang kampanaryo sa Bulusan ay ang pinakamalaki sa apat na ‘watch tower’ na yari sa bato (baluartes de piedra) na umuugnay sa Punta Diamante, ang batong ‘fort’ o adobeng pader na nakapaligid sa simbahan at sa rektoryo ng parukya. Isinagawa ang konstruksyon nito noon pang 1760, ang taon na inilipat ang bayan sa lokasyon nito sa ngayon. Noong 1799 ay nakatayo na ang mala-Intramuros na pader sa Bulusan. Naitatag ang Bulusan bilang isang parroquia noon 1630 at bilang isang pueblo civil noong 1630 sa ilalim pa noon ng lalawigan ng Albay. Noong panahon ng Moro piracy, ang Bulusan ang may pinakamaraming baluartes de piedra sa bahaging ito ng bansa. Ang matandang kampanaryo ang pinakamalaki na tinatawag noon ng aming mga ninuno na los sietes de piedra – isang ‘chain’ o dugtong-dugtong na baluartes na nakadisenyo bilang isang ‘warning system’ kapag may natatanaw na dumarating na barkong Moro. Nagsilbi ring ‘refugee center’ ang Punta Diamante sa mga pag-atake ng mga piratang Moro.

Ang sinaunang kampanaryo ay isa sa mga ipinagmamalaking ‘tourist attraction’ sa Bulusan dahil sa ‘historical value’ nito at pagiging isang cultural heritage site. Anupa’t maituturing itong yaman ng mga Buluseno na pamana ng kasaysayan. Ngunit dahil lamang sa masidhing pagnanasa ng kura-paruko ng Bulusan at ng Obispo ng Archdeocese ng Sorsogon na kumita ng pera ay binalewala at winalang halaga nila ang historical value ng kampanaryo.

Naalala ko tuloy ang kuwento sa Bibliya nang gibain ni Jesus Christ ang mga kubol at papag sa templo ng Herusalem dahil pinahintulutan ng mga pinuno ng templo (Saserdote at Pariseo) na gawing sentro ng kalakal at babuyin ang tahanan ng Diyos. Nauulit ngayon sa aming bayan ang tagpong ito sa kasaysayan sa Bagong Tipan dahil mismong ang Obispo at pari sa amin ang pumayag na matayuan ng gasolinahan ang harapan ng simbahan sa Bulusan - sa paanan mismo ng lumang kampanaryo.

O Diyos niamong Kagurangnan, kayo na po sana ang bahala sa kanila sapagkat batid po naming napagtatanto po nila ang kanilang ginagawa. Amen. ###

1 comment:

clar said...

Asan na kaya yung mga gintong kampana sa bansa noh? pinagnanakaw kase sakit.info