Sunday, June 14, 2009
NAGALIT ANG PILAY SA HABA NG TULAY
Ni Fernan G. Emberga
Paika-ika, pausad-usad
Hilahod na sa paglalakad
Kulang na lang gumapang
Sa tinatahak na landas
Sinusukat bawat hakbang
Paligid ay gumigiwang
Nagmistulang baku-bako
Kahit patag ang daan
Ngunit hindi alintana
Ang guhit ng kapalaran
Tuloy pa rin ang pagtulay
Sa miserableng buhay
Pikit-matang sinusuong
Ang unos at daluyong
Buong tatag na humaharap
Sa hamo’y ‘di umaatras
Hamak man ang kalagayan
Balewala ang kapansanan
Sumasayaw man ang tulay
Tuloy pa rin sa paglakbay
Ngunit saan magtatapos
Ang damdaming iginapos
Sa panlalait na tumatagos
Sa pusong nagpupuyos
Hanggang sa bumigay
Ang hangga sa sukdulan
Dahil sa haba ng tulay
Sumabog sa galit ang pilay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment