KATALIK NG WIKA
Ni Fernan G. Emberga
ang wika kapag hindi ‘sinasalita ay napaparam
katulad ng wikang latin na itinuring nang patay
ngunit kung masigla itong ginagamit sa talastasan
lalong yumayabong kapara ng punong malabay
ang wikang tagalog, ugat ng pambansang wika
pinagyayaman at nililinang ng mga dakilang makata
manunulat, mang-aawit, mananalumpati at manunula
wikang nagtatanghal sa makabayang adhika
ito rin ang wikang gamit ng mga naghimagsik
laban sa pananakop ng mga dayuhang manlulupig
maging sa salinlahi ang wika ring ito ang nagbigkis
naging tagapagkalinga sa bayang ginahis
ngunit ano’t tila wika nati’y hindi pa rin malaya
sa kolonya at pananakop ng mga wikang banyaga
pati ang abakada bakit hinayaang magahasa
nagsilang pa ng bastardong titik na may lahing banyaga
ito ba ang kahulugan ng pag-unlad at paglago
ng wikang pamana sa atin ng ating mga ninuno
o baka naman ito ang hantungan ng pagkakanulo
ng mga bagong makapili at makadayuhang pinuno
anupa’t dinggin n’yo ang aking panawagan
mga kapwa ko manunulat na sa baya’y nagmamahal
tangkilikin natin sa panulat ang wikang makabayan
iwaksi ang kahangalan ng wikang sa dayo’y ibinugaw
pagkat walang ibang magmamalasakit at makauunawa
sa mensahe ng hibik at halakhak ng ating mahal na wika
sadyang wala na ngang iba - wala na nga, wala
kundi tayong mga katalik niya sa ating mga katha
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
hi,myad na gab-i po,gusto ko lang po sbhon na proud po ako na sayong buluseno.hiling ko lng po na sna,lalo pa mapag ingatan ang atong likas na yaman.basi maimud at magamit pa ini san mga masunod na henerasyon.slmat
Post a Comment