SA AKING MGA PALABYAW
Ni Fernan G. Emberga
unawain n’yo sana ako
kung ako ma’y nagkulang
sa aking pagpapalaki
at pag-aaruga sa inyo
ako ay tao lamang
na hindi perpekto
at may kapintasan
anuman ang kamalian
hindi ko ito ninais
at kagustuhan
ang mahalaga’y aking sinikap
na ipadama ang paglingap
at tunay na pagmamahal
ng magulang
sa kaniyang mga
‘palabyaw’ na anak
sa pamamagitan
ng mga wastong pangaral
hindi ko rin hinangad
na kayo ay saktan
at pagbuhatan ng kamay
bilang paraan ng parusa
sa inyong mga kamalian
sapagkat sa tuwing
balakin ko ‘yon
nanunumbalik sa akin
ang nakaraan
kung paano ako
hinubog at pinalaki
ng aking mga magulang
sa pamamagitan
ng dahas at bulyaw
na marahil siyang dahilan
ng aking kahinaan
at karuwagan
na ulitin sa inyo
kung paano ako pinanday
sa hagupit ng yantok
at patpat ng kawayan
o anumang pamalong
kanilang mahawakan
saksi ng aking lumipas
ang mga bakas ng sugat
at peklat sa aking katawan
ayokong lumaki kayo
na taglayin ang himutok
sa inyong magulang
na dapat sana’y
gawing n’yong huwaran
pagdating ng araw
kung kayo naman
ang nakatayo
sa aking kalagayan.
sinikap kong mag-aral
at gawing guro
ang mga karanasan
sinadya kong palawakin
ang pang-unawa’t kaisipan
upang matotong magpatawad
at hindi lunurin
ng silakbo ng emosyon
na pinatingkad ng
kakitiran ng isip
at kamangmangan
ang paghuhusga
sa tuwing gugulantangin
ng inyong kapusukan
sa panahon ng inyong
pagtuklas at pagkilala
sa hiwaga ng buhay
at sana’y ganito rin
ang gawin n’yong pagtrato
sa aking mga magiging apo.
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment