MAKATANG WALANG MAISULAT NA TULA
Ni Fernan G. Emberga
binasag ng takatak ng teklado
ang katahimikan ng gabi
nakikipag-unahan sa tik-tak
ng antigong orasan
sumasaliw sa huni ng kuliglig
sa labas ng ulilang bakuran
nakabibingi ang musikang
nanunuot sa hibla ng katinuan
ng isang ligaw na kaluluwang
sa dilim ay naglalamay
mas masinsin pang marinig
ang buntong hininga
keysa sa usal na hinuhugot
sa nanunuyot na lalamunan
iniimpit ang hinagpis
sa sumisikdong pagkabalisa
nilunod na ng ligalig
ang kanyang mga hibik
at palahaw na nasadlak
sa kumunoy ng agam-agam
mapanglaw pa sa gabi
ang kanyang diwa
kasing lamlam ng diklap ng gasera
ang talukap ng mata
wala ni isang paksang gumigitaw
sa balintataw
ni hindi makabuo ng taludtod
ng saknong at parirala
sing-ilap ng gamo-gamo
ang mga kataga at salita
malikot at makislot
ang guni-guni’t salagimsim
umiigkas nga ang mga salita
ngunit wala itong katuturan
ang mga taludtod
saknong at pariralang kumakawala
ay kusang nalulusaw sa kawalan
hindi masilo at maitugma
sa balangkas ng isang tula
na obrang kinakatha
pusikit ang dilim ng gabi
nakabibingi ang katahimikan
naidlip na ang mga kulilig
nagluluksa na ang orasan
maging ang teklado ng makinilya
ay naumid na sa pagnanasa
ng kanyang panginoon
na makapaghabi ng katha
ang makatang kailan ma’y
di na makapagsusulat ng tula.
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment