Dagos tabi kamo!

A compilation of literary works, views, images, videos and straightforward discourse on politics, economy, culture, arts, society and current events. The blogger is native Bicolano from Sorsogon. Although he is considered as a pride of Bicol (Orgullo nin Bicol), he writes and speaks fluent Tagalog than dialects. Read on as he shares her views on various issues.

Pages

Powered By Blogger

Sunday, June 14, 2009

KUNG ANG REBOLUSYON AY TAGISAN NG TULA
Ni Fernan G. Emberga

kung ang rebolusyon ay tagisan lamang ng tula
noon pa sana naitatag ang isang lipunang malaya
wala nang pang-aapi at mga pagsasamantala
pantay na rin sana ang malalakas at mahihina

sa dami ng mga makatang rebolusyunaryo
aapaw ang kanilang akda sa pambansang plenaryo
mangingibabaw tiyak ang kanilang argumento
at mananaig ang matalas na diwa sa diskurso

kung ang rebolusyon ay pingkian lamang ng salita
matagal na sanang nalagot ang gapos at tanikala
nakamit na sana ng bayan ang dakilang adhika
ang pagsikat ng mapulang araw ng paglaya

ngunit ang himagsikan ay paligsahang reyalidad
labanan ng ngipin sa ngipin at ng lakas sa lakas
at sa digma’y namamayani ang bagsik ng armas
dahil mas mapagpasya ang higit na marahas

sapagkat ang rebolusyon ay isang hantungan
ng tunggalian ng uri sa maka-uring lipunan
palahaw sa panulat ay mawawalan ng saysay
at ang nagiging materyal ay ang karahasan

pagka’t dahas ang komadronang magpapaluwal
ng isisilang na bagong sistema at kaayusan
na ipinagbuntis at huhugutin mula sinapupunan
sa pagsabog ng patubigan ng bulok na lipunan

bagaman ang tula ay mahusay na inspirasyon
ng mga kadreng sa digmang baya’y nagsusulong
ngunit ‘di ito sapat na sandata para sa nilalayon
dahil ang literatura’y kailangan rin ng rebolusyon

No comments: