PAGGAGAP
NI Fernan G. Emberga
Sumungaw sa diwa ang pagkabatubalani
Ang pagkaantig sa ningning ng mga ilaw
Na bumabalatay sa istruktura at mga gusali
At umaagos sa kahabaan ng mga lansangan
Paruot-parito ang hagod ng mga sasakyan
Na sala-salabat sa banig nitong kalunsuran
Isa ka sa laksang gamu-gamong napadpad
At narahuyo sa kinang ng kalunsuran
Nasilaw ang ‘yong mata sa mga hungkag
Na pangakong sumilo sa‘yong pagkatao
Iwinaksi mo ang paraisong kinalakhan
Kapalit ng inakalang nirbana sa kabihasnan
Hanggang sa masumpungan mo ang sarili
Sa sukal ng gubat na nagbubuyang-yang
Ng iba’t ibang uri ng mapagkunwaring halimaw
Mga kaluluwang nagbabalatkayo sa maskara
Ng mga payasong dumurog sa’yong kaluluwa
At lumalait sa bagong saltang estranghero
Ngunit nagawa mong suungin ang daluyong
Languyin ang pusali at burak ng lungsod
Nagawa mong sumisid sa kalaliman ng imburnal
Ng nakasusulasok na sangsang ng basurahan
Kinaya mo ring langhapin ang maitim na usok
Ng tambutso ng makina’t tsimneya ng pabrika
Hanggang sa unti-unti mong natutunan
Ang paggagap sa kultura ng kabihasnan
Nagawa mong sumabay sa takbo ng panahon
Sumayaw sa tugtog at makinig sa ingay
Maging sibilisado at mamuhay sa siyudad
Sa kulambo ng pagkukunwari’t pagpapanggap
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment