TIWALA SA TIWALI
Ni Fernan G. Emberga
mga kababayan
sa darating na halalan
huwag n’yong kalimutan
na isulat sa balota
ang aking pangalan
laan akong maglingkod
ng buong katapatan
at laan rin namang
inyong paglingkuran
kapag ako’y naluklok
doon sa batasan
gagawin kong lahat
ng aking makakaya
upang mapaunlad
itong ating bayan
kaya’t ipagkatiwala n’yo
ang inyong boto
pagkat susuklian ko ito
ng mahusay na serbisyo
upang umasenso
ang pobre nating distrito
ilan lamang yan
sa buladas at pambobola
ng mga pulitiko
kapag nasa tribuna
lahat ay ipapangako
sa botanteng masa
para lamang makuha
ang boto’t kumpiyansa
ngunit pag nagtagumpay
at sila’y nahalal na
ni ha, ni ho
wala ka’ng maririnig pa
‘pag sinadya mo naman
sa kanyang tanggapan
huwag lang masukol
ika’y pagtataguan
mahirap nang hanapin
hindi na rin malapitan
sa sipag ni kongresman
doon sa batasan
dumami ang silyang
kanyang nabutasan
sa oras ng debate
sa komite at bulwagan
tiyak na mapapanis lang
ang kanyang laway
sapagkat miyembro pala
ng komiteng katahimikan
kapag walang sesyon
kapulungan ng kongreso
nagbabad sa hotel
magdamag sa casino
sa halip na umuwi
sa kanilang distrito
upang konsultahin
sana ang mga tao
na kanyang pinaasa’t
nilunod sa pangako
kung gaano kabobo
nitong si deputado
maghain ng panukala
at sumali sa diskurso
siya namang talino
mag-lobby ng pondo
sa tanggapan ni speaker
hanggang sa palasyo
upang pork barrel niya’y
hindi na maatraso
unang proyekto
nitong si kongresman
na kanyang ipinagyabang
sa mga kababayan
farm to market road
o road to his farm
na sa totoo lang
wala ring pakinabang
mga botanteng nagtiwala
at umasang bubuti
ang kinabukasan
sa kamay ng kanilang
tiwaling lingkod-bayan.
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment