Sunday, June 14, 2009
ALITAPTAP, ANG NAGTAMPONG KAIBIGAN
Ni Fernan G. Emberga
munting talang lumilipad sa ibabaw ng halamanan
sinasamyo ang halimuyak ng natutulog na bulaklak
ang taglay mong dagitab ay sulo ng magdamag
pag-asang tumatanglaw sa munti kong pangarap
aking kaibigan, isa kang marilag na bituin
sa gabing madilim lalo kang nagniningning
pagbigyan mo sana ang tangi kong hiling
huwag ka nang lilipad ng palayo sa akin
sa panglaw ng buhay ikaw ang tanglaw
inakay mo ako sa hardin mong makulay
sa angkin mong liwanag napawi ang lumbay
ng gabing mahamog at pusikit sa karimlan
ngunit dumating ang takdang ‘di natin inasahan
ang gabing sumaksi sa ating paghihiwalay
nung ako’y magpasyang sa’yo’y magpaalam
upang lisanin ang lugar na ating tagpuan
pansamantala lamang ang aking paglayo
‘yan ang sumpa ko at binitiwang pangako
para palakasin ang loob ng nalungkot na kalaro
upang hindi ka mangulila sa ating pagkakalayo
hanggang sa dumatal ang aking pinanabikan
ang muli kong pagbabalik sa ating tipanan
una kitang hinanap pagkagat ng karimlam
ngunit nilisan mo na rin pala ang dating tagpuan
malaki na rin ang ipinagbago ng ating paligid
ginawa nang subdibisyon ang palaruang bukid
nilunod na rin ng liwanag ang gabing pusikit
kaya’t tuluyang lumisan ang kaibigang marikit
nasaan ka na ngayon kaibigan kong alitaptap
pati ang buong kawan mo ay tuluyan nang lumikas
sa gunita ang liwanag mo’y ‘di ko hahayaang kumupas
upang manatiling tanglaw sa mumunting pangarap
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment