Sunday, June 14, 2009
PAALAM KAIBIGAN
Ni Fernan G. Emberga
hinuhugot mo ang huling hibla ng buhay
pinilit mong manatiling nakatindig
nilalabanan mo ang pakay ng mga buhong
ang kanilang nasang maibuwal ka
kahit alam mong unti-unti ka nang nagugupo
saglit na lang magtatagumpay na ang mga palalo
ibinabadya ito ng kanilang halakhak
ipagbubunyi nila ang iyong wakas
ngunit gamit mo ang nalalabi mo pang lakas
upang patayin sa inip ang mga sukab
habang ako
ako na nakatunghay lamang sa di-kalayuan
ni hindi ko magawang saklolohan ka
wala akong silbing kaibigan sa mga oras na ‘yon
wala akong mahagilap na lakas
para pigilan ang ‘yong mga kaaway
pati dila ko’y naumid na yata
walamg nabigkas ni isang kataga
liban sa luhang dumaloy sa aking mata
habang sinasaksihan ang tagpong karumaldumal
sa ‘yong mga huling sandali
gumuhit sa isipan ko ang ‘yong kahalagahan
ang proteksyong ibinibigay mo sa amin
ilang unos na ba ang nagdaan
ikaw ang aming kalasag sa mga kalamidad
saksi ka rin sa aking pagsilang
naging kalaro kita sa aking kamusmusan
talagang tunay kang bayani at kaibigan
pero ngayong kailangan mo ang tulong
bakit wala akong magawa kundi umiyak
at saksihan ang unti-unti mong pagbagsak
ngunit batid ko
na malawak ang ‘yong pang-unawa
naiintindihan mo ang aking kahinaan
may magagawa nga ba ang isang paslit
sa lakas at masamang nais ng mga ganid
na ibuwal ang punong nagsisilbing balakid
sa kanilang hangaring ang kanal ay mailihis
mapaiksi rin ang itinakdang daluyan ng tubig
upang maibulsa ang pondong matitipid
kaya’t paalam kaibigan
paalam punong balete sa aming bakuran.
* Alay ko ang tulang ito sa punong balete sa bakuran ng bahay na dati naming tinirhan sa barangay Dancalan, Bulusan, Sorsogon, sa aking mga kababata at kalaro, sa mga pumutol sa puno at sa kontratista ng dinayang kanal na sa halip na paraanin sa dating daluyan nito na siyang orihinal na plano ng Publik Works ay ipinadaan sa aming bakuran tumbok ang malaking punong balete na aming palaruan, padapuan ng mga alagang manok, kanlungan ng alagang baboy at pananggalang sa bagyo. Dahil sa punong balete hindi nagigiba ng bagyo ang aming bahay. Subalit nung mawala na ang puno, dumapa sa malakas na bagyong si Dinang (December 25, 1981) ang aming bahay. Simula na ‘yon ng paglikas ng aming mag-anak sa Pasay City. May 28, 1983 nang lisanin ko ang Bulusan makaraang magtapos sa ikalawang taon sa high school. Ngayon, kapag umuuwi ako sa Bulusan palagi kong binibisita ang lugar na dating kinaroroonan ng punong balete at ng aming bahay, ang kanal, ang bitak-bitak nang semento nito. Gayundin ang aming baybayin, ang dalampasigang winasak ng pagsasalubong ng tubig sa kanal at malalaking alon kapag nagngingitngit ang panahon. Ang kalunos-lunos na sitwasyong ito ay nagpapagunita sa akin sa isang karumaldumal na tagpo sa aking kabataan – ang pagputol sa aming balete, na manipestasyon ng garapal na korupsyon sa mga proyektong pambayan na nagsisimula sa barangay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment