BATAS MILITAR:SA GUNITA NG WALANG MALAY
Ni Fernan G. Emberga
salamat sa kamusmusan
ni hindi ko yata namalayan
ang paglukob ng dilim
sa pahina ng kasaysayan
ang tanging gumuguhit
sa aking isip at gunita
noong ako’y paslit pa
ay masasayang karanasan
sariwa pa sa isip ko
ang aking mga kalaro
ang aming mga nilaro
mga sariling likhang laruan
hindi ko malilimutan
ang sarangola at trompo
holen, tirador, tatsi, kadang
baril-barilan at bahay-bahayan
paano ko malilimot
ang habulan, taguan-pong
patintero, tsako, football
sipaan, santarin at volley ball
ang aking hinahanap-hanap
ay ang aming playground
bukid, bundok, ilog, parang
tabing dagat at bakuran
liwanag ng buwan
ningning ng bituin at alitaptap
ang aming tanglaw
kapag ginagabi sa palaruan
salamat sa kawalan ng muwang
ni hindi ko gaanong namalayan
ang mga pagyurak sa karapatan
noong panahon ng kadiliman
sa pagkamulat ng isipan ko
ay saka ko lang napagtanto
ang mahimbing na pagkatulog
noong panahon ng martial law
Sunday, June 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment