Dagos tabi kamo!

A compilation of literary works, views, images, videos and straightforward discourse on politics, economy, culture, arts, society and current events. The blogger is native Bicolano from Sorsogon. Although he is considered as a pride of Bicol (Orgullo nin Bicol), he writes and speaks fluent Tagalog than dialects. Read on as he shares her views on various issues.

Pages

Powered By Blogger

Monday, June 29, 2009

Bungkaras Bulusan


BUNGKARAS BULUSAN
Ni Fernan G. Emberga

san sayo na adlaw nagbungkaras an mga tawo
didto sa bulusan, sa amo magayonon na bungto
sa probinsiya nin sorsogon, sa segunda distrito
kay bigla in-urukad an yungod san kampanaryo

ay baadaw kay nano man ada ini na hihimoon
sa patio san simbahan, hardin na dianison
aw mao man gad akay kanira na rarauton
pauyagan san buluseños sa awat na panahon

wara na gud kaabog-abog nan sin paabiso
an plano san kura-paruko nan san obispo
na papletehan nan patindugan sin negosyo
puwerta san simbahan ni patrong señor santiago

sayo na gasolinahan an kanira pinabutang
sa piliw san kampanaryo sa pader san simbahan
sayo na ‘historical landmark’ sa bungto san bulusan
na kanira ipatukal san diyo na ‘renta’ kada bulan

an rason man sadto na padi nan san obispo
diyo-diyo na kuno an abuloy san mga deboto
kaya kaipuhan tindugan na san mga negosyo
an mga propriedad san simbahang katoliko

hasta san ‘health insurance’ san kapadian
kaipuhan man kuno nira pagdisponeran
kay kulang kuno an koleksyon san simbahan
para isustenir sa kanira pangangaipuhan

imbes unahon an ikakasalbar san mga kalag
nano kay an ‘insurance’ man san pisikal na lawas
an in-aasikaso sini na mga naturingang ‘alagad’
na dapat magpaayad man kunta san ato moralidad

apisar san kultural nan san historikal na isyu
‘environmental and fire hazard’ pa ini na negosyo
kaya peligroso pa ngani sa seguridad san mga tawo
an gasolinahan sa patio, sa puno san kampanaryo

diri man kita habo san maski nano na progreso
para kay hasta san ‘zoning’ ay kanira pa binag-o
nan diri pa pinaagi sa konseho na tamang proseso
kundi sa ‘salamangka’ san nagkapera na mahikero

kaya mga kababayan ko, mga kapwa-buluseño
padagos kita magkasarayo para sa ato bungto
himuon ta an kaayadan san kadaghanan na tawo
kontra san diyo na mga sala nan maraot an tuyo.

Sunday, June 14, 2009

KOMENTARYO


MEDYO MEDIA
Ni Fernan Emberga

Ganito kami sa Bulusan

MULA sa mahimbing na pagkatulog, nagulantang ang matulain at makasaysayang bayan ng Bulusan sa Sorsogon. Bumungkaras o bumalikwas sa higaan ang mga residente sa aking bayang sinilangan hindi dahil sa dupikal ng antigong kampana sa aming sinaunang kampanaryo kundi dahil sa gasolinahan na itinayo sa tabi nito.

Winarat ng konstruksyon ang makasaysayang patio na naging palaruan namin noon sa paanan ng simburyo. Sinasalaula ang itinuring na sagradong lugar ng mga parisyuner ng parukya. Ikinakalakal na ng mismong kura-paruko at ng Obispo sa Sorsogon ang simbahan ng Saint James The Greater Parish sa Bulusan.

Kunsabagay ano nga naman ang interes ko sa Simbahang Katoliko na dumanas na ng ‘spiritual bankruptcy?’ Wika nga ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ The Name Above of Every Name, isinara na ng ‘Almighty Father’ ang simbahan at mga relihiyon dahil sa kabiguang magampanan ang gawaing espirituwal na ipinagkatiwala sa kanila. Datapwat ako’y tumugon at nakiisa sa panawagan at pagkilos ng aking mga kababayan dahil ang sinisira ay ang aming ‘historical landmark’ at ‘cultural heritage site’ na pamana sa mga Buluseno ng kasaysayan.

Ang lumang kampanaryo sa Bulusan ay ang pinakamalaki sa apat na ‘watch tower’ na yari sa bato (baluartes de piedra) na umuugnay sa Punta Diamante, ang batong ‘fort’ o adobeng pader na nakapaligid sa simbahan at sa rektoryo ng parukya. Isinagawa ang konstruksyon nito noon pang 1760, ang taon na inilipat ang bayan sa lokasyon nito sa ngayon. Noong 1799 ay nakatayo na ang mala-Intramuros na pader sa Bulusan. Naitatag ang Bulusan bilang isang parroquia noon 1630 at bilang isang pueblo civil noong 1630 sa ilalim pa noon ng lalawigan ng Albay. Noong panahon ng Moro piracy, ang Bulusan ang may pinakamaraming baluartes de piedra sa bahaging ito ng bansa. Ang matandang kampanaryo ang pinakamalaki na tinatawag noon ng aming mga ninuno na los sietes de piedra – isang ‘chain’ o dugtong-dugtong na baluartes na nakadisenyo bilang isang ‘warning system’ kapag may natatanaw na dumarating na barkong Moro. Nagsilbi ring ‘refugee center’ ang Punta Diamante sa mga pag-atake ng mga piratang Moro.

Ang sinaunang kampanaryo ay isa sa mga ipinagmamalaking ‘tourist attraction’ sa Bulusan dahil sa ‘historical value’ nito at pagiging isang cultural heritage site. Anupa’t maituturing itong yaman ng mga Buluseno na pamana ng kasaysayan. Ngunit dahil lamang sa masidhing pagnanasa ng kura-paruko ng Bulusan at ng Obispo ng Archdeocese ng Sorsogon na kumita ng pera ay binalewala at winalang halaga nila ang historical value ng kampanaryo.

Naalala ko tuloy ang kuwento sa Bibliya nang gibain ni Jesus Christ ang mga kubol at papag sa templo ng Herusalem dahil pinahintulutan ng mga pinuno ng templo (Saserdote at Pariseo) na gawing sentro ng kalakal at babuyin ang tahanan ng Diyos. Nauulit ngayon sa aming bayan ang tagpong ito sa kasaysayan sa Bagong Tipan dahil mismong ang Obispo at pari sa amin ang pumayag na matayuan ng gasolinahan ang harapan ng simbahan sa Bulusan - sa paanan mismo ng lumang kampanaryo.

O Diyos niamong Kagurangnan, kayo na po sana ang bahala sa kanila sapagkat batid po naming napagtatanto po nila ang kanilang ginagawa. Amen. ###

TULA


PANAMBITAN NG BULUSENO
Ni Fernan G. Emberga

mga kababayan ko sa bulusan
halina’t dinggin ang aking panambitan
pagmuni-muniin at inyong ipagnilay
at sama-samang isangguni sa poong maykapal

anong milagro itong nangyayari sa ating lugar
kababalaghang hindi ko rin lubos na maintindihan
bakit ang dambana nitong ating bayang mahal
winawarat at sinasalaula ng mga tampalasan

ang lumang kampanaryo na siyang piping-saksi
sa pagsilang ng bawat buluseno maging sa paglaki
ang dupikal ng kampana nito’y nagsilbing oyayi
nagpatahan sa sanggol habang pinaghehele

ang muog at simburyo nitong kampanaryo
ay bantayog at tanggulang sumisimbolo
ng maningning na kasaysayan ng ating mga ninuno
sa pagtatanggol sa bayan laban sa mga dayo

ngunit sa isang iglap, bakit wawasakin
ang marikit na lugar ng patio na hardin
ano kayang pumasok na masamang hangin
sa isipan ng kura-paruko at obispo sa atin

uriratin po natin aking mga kababayan
ano kaya ang nag-udyok sa kanilang kapasyahan
bakit patatayuan ng isang gasolinahan
ang harapan nitong kinalakhang simbahan

mahabaging langit, o Diyos na makapangyarihan
hipuin mo po ang puso at kanilang isipan
kung sila’y tunay mong ‘sugo’ na sa ami’y mamatnubay
huwag naman sanang ikalakal pati na ang simbahan.

siya nawa…

REUNION (BARAGAT)
Ni Fernan G. Emberga

Umalingawngaw sa buong bayan ang kalembang ng dupikal
Nagsasalimbay sa bagting ng dalawang maliit na kampana
Tumawid ang palahaw sa gintong palayan at sa kabundukan
Na isinumpit mula sa simburyo ng nilulumot nang kampanaryo
Hudyat na iyon ng pagsisimula ng prusisyon ng mga poon
Sa pagtatapos ng sermon ng kura sa pitong wika ng panginoon
Tanda na rin ‘yon ng muli naming pagtatagpo ng mga kababata
Sa patio ng simbahan na naging saksi ng aming kamusmusan
Nanariwa sa gunita ko ang aming kalikutan at kakulitan
Habang nilalaro sa patio ang piko, siyato, patintero at habulan
Dito rin namin ginuhit at hinabi ang mga munting pangarap
Pitong taong singkad na’ng nagdaan mula’ng lisanin ko ang lugar
Wala pa ring pagbabago sa aking sinilangang bayang bulusan
Maliban sa mga kababayang tulad nami’y nagbabagong-mukha
Ang mga dating uhuging paslit ngayon pawang dalaga’t binata na
Isa-isa nang iniluluwa sa bunganga ng simbahan ang mga rebulto
Kasunod ang paglabas sa pinto ng makapal na mga deboto
Nagsimula na ring humakbang ang aming mga paa
Mga hakbang na sa kalaunan ay sa simbahan rin papunta

BULUSAN
Ni Fernan G. Emberga

bulusan, bulusan
bayan kong sinilangan
sa kandungan mo ako’y humimlay
sa oyayi mo ako’y idinuyan
sa kalinga mo ako’y nagkamalay

bulusan, bulusan
pinakamamahal kong bayan
‘di ko malilimot mga pangaral
nakapunla rin sa puso ko’t isipan
iyong tagubilin at panambitan

bulusan, bulusan
ikaw ang aking gabay
sa mahabang paglalakbay
sa kabiguan man o tagumpay
ikaw ang aking karamay

bulusan o aking bulusan
dakila ka’t mapag-arugang bayan
malaon mang sayo’y mawalay
ikaw pa rin ang babalikan
sa pagtanda ikaw ang kanlungan
sa kandili mo’y muling hihimlay

MAGSING-IROG
Ni Fernan G. Emberga

saksi ako
sa inyong marubdob na pagmamahalan
sa aking kamusmusan
nasanay na akong tingalain
ang inyong kinaroroonan
sa dako roon
pinangarap ko rin
ang maging abay sa inyong kasal
pagkagising sa umaga
kung kaylan mababa pa ang araw
nasanay na akong sulyapan ng pansin
ang inyong kariktan
na tila nagpupulot-gatang magsing-irog
sa gawing kanluran
lalong pinaningning ng sikat ng araw
ang inyong mga alindog
habang magkaulayaw
nasanay na rin akong unawain
kung minsan na inyong ikinukubli
ang inyong pagsisiping
sa yugtong palubog na ang araw
hanggang sa balutin kayo ng karimlan
naging palaisipan tuloy noon
sa mura kong isipan
sino kaya sa inyong dalawa
si eba at sino naman kaya si adan
o mahiwagang bundok ng agingay
at bundok ng bulusan.

PAALAM KAIBIGAN
Ni Fernan G. Emberga

hinuhugot mo ang huling hibla ng buhay
pinilit mong manatiling nakatindig
nilalabanan mo ang pakay ng mga buhong
ang kanilang nasang maibuwal ka
kahit alam mong unti-unti ka nang nagugupo
saglit na lang magtatagumpay na ang mga palalo
ibinabadya ito ng kanilang halakhak
ipagbubunyi nila ang iyong wakas
ngunit gamit mo ang nalalabi mo pang lakas
upang patayin sa inip ang mga sukab

habang ako
ako na nakatunghay lamang sa di-kalayuan
ni hindi ko magawang saklolohan ka
wala akong silbing kaibigan sa mga oras na ‘yon
wala akong mahagilap na lakas
para pigilan ang ‘yong mga kaaway
pati dila ko’y naumid na yata
walamg nabigkas ni isang kataga
liban sa luhang dumaloy sa aking mata
habang sinasaksihan ang tagpong karumaldumal

sa ‘yong mga huling sandali
gumuhit sa isipan ko ang ‘yong kahalagahan
ang proteksyong ibinibigay mo sa amin
ilang unos na ba ang nagdaan
ikaw ang aming kalasag sa mga kalamidad
saksi ka rin sa aking pagsilang
naging kalaro kita sa aking kamusmusan
talagang tunay kang bayani at kaibigan
pero ngayong kailangan mo ang tulong
bakit wala akong magawa kundi umiyak
at saksihan ang unti-unti mong pagbagsak

ngunit batid ko
na malawak ang ‘yong pang-unawa
naiintindihan mo ang aking kahinaan
may magagawa nga ba ang isang paslit
sa lakas at masamang nais ng mga ganid
na ibuwal ang punong nagsisilbing balakid
sa kanilang hangaring ang kanal ay mailihis
mapaiksi rin ang itinakdang daluyan ng tubig
upang maibulsa ang pondong matitipid
kaya’t paalam kaibigan
paalam punong balete sa aming bakuran.

* Alay ko ang tulang ito sa punong balete sa bakuran ng bahay na dati naming tinirhan sa barangay Dancalan, Bulusan, Sorsogon, sa aking mga kababata at kalaro, sa mga pumutol sa puno at sa kontratista ng dinayang kanal na sa halip na paraanin sa dating daluyan nito na siyang orihinal na plano ng Publik Works ay ipinadaan sa aming bakuran tumbok ang malaking punong balete na aming palaruan, padapuan ng mga alagang manok, kanlungan ng alagang baboy at pananggalang sa bagyo. Dahil sa punong balete hindi nagigiba ng bagyo ang aming bahay. Subalit nung mawala na ang puno, dumapa sa malakas na bagyong si Dinang (December 25, 1981) ang aming bahay. Simula na ‘yon ng paglikas ng aming mag-anak sa Pasay City. May 28, 1983 nang lisanin ko ang Bulusan makaraang magtapos sa ikalawang taon sa high school. Ngayon, kapag umuuwi ako sa Bulusan palagi kong binibisita ang lugar na dating kinaroroonan ng punong balete at ng aming bahay, ang kanal, ang bitak-bitak nang semento nito. Gayundin ang aming baybayin, ang dalampasigang winasak ng pagsasalubong ng tubig sa kanal at malalaking alon kapag nagngingitngit ang panahon. Ang kalunos-lunos na sitwasyong ito ay nagpapagunita sa akin sa isang karumaldumal na tagpo sa aking kabataan – ang pagputol sa aming balete, na manipestasyon ng garapal na korupsyon sa mga proyektong pambayan na nagsisimula sa barangay.

PANGOROWOT
Ni Fernan G. Emberga

didto sa amo makunswelo an mga tawo
paglunad sa dyip paaragaw sa estribo
imbes na mag-iringkod sa sulod san awto
naghaharabo-habo kay sa bubong an gusto

kun nalarga na an karadagkadag na sasakyan
naruyagon sa atip kay mahuruhayahay
sa sulod san dyip an kargada inpapatianay
kay an pasahero didto nagud sa bubungan

pero san nagbatog na san pagpaharorot
ini na drayber na makusog an boot
an mga pasahero inabot sin nerbiyos
grabe an pangorowot pagkurbada sa porog

didto sa bulusan, probinsiya nin sorsogon
daghan an iristorya san mga buwaon
mao na an sumsoman kun namagtiripon
san mga makunswelo na mga oragon

an mga parapana kon nakadakop sin isda
imbes na mao na an kanira isuruda
ipabakal pa ngani kay gusto an de lata
o mapatukal tinapa kay ibangot sa miswa

may sayo na pamilya dito ngani sa iraya
naraw-ayon man kuno san kanira bisita
nag-ayo man tulos sin dako na pasensiya
kay imbes sardinas manok ha’k an tagama

ini si inoy iklo nagpurbar man pagbulang
sadto na dominggo natupar na kapistahan
imbes na manok an dara-dara sa bulangan
apisar kay pato ugang an gusto iglaban

mapagal talaga ispelingon an isip san tawo
imbes na mapawala makadto ugang sa to-o
maski an kiriwa-kiwa diri nagud mabibisto
kay iba an insasabi san kanira inhihimo

PAWIKAN
Ni Fernan G. Emberga

san sayo na gab-i sa piliw san baybay
nagtiripon-tipon an mga kalalakin-an
sa sirong san payag na istambayan
didto sa amo baryo, barangay dancalan

tolong galong tuba an inharampangan
sinugba na surahan an sumsoman
dianison na erergo nan irestoryahan
pautok man ngani san mga buruwaan

maugmahon man ini na pagbaragat
san mga bakasyunista na maorag
kaurupod uli an mga dati kauroyag
mga kapalanat sa piliw sin dagat

kay matade ka man baya sin bawal
an hapot sa ako ni tawi butakal
kay nano man ngani yon na bawal
an simbag nan an hapot ko man

maghulat ka lang ayaw pagbaya-e
kay kukuwaon ko pa didto sa tangpi
basta maruyag ka kay masiramon ini
an sabi ni tawi bag-o siya humali

kay nano daw ngani na bawal ‘yon
basi pa man-gad daragang magayon
mahigos na bikolana na mahamoton
diri man hahaboan ni padeng oragon

pero san pagbotwa ni tawi butakal
malin man palanggana an puropas-an
maimod ko man tulos an dowa na kampay
san naghihibi na saday na pawikan

ma-o ngay-a ini an bawal na insasabi
an pawikan na ‘endangered species’
kaya an parapana didto na ha’k sa tangpi
inhihigot an ba-o nan kukuwaon sa gab-i

sa dagat pasipiko sa bungto nin bulusan
daghan pa man an nadakop na mga pawikan
maski na inbabawal diri nahimot-an
maluyahon man pan-o an mga parabantay
SA AKING MGA PALABYAW
Ni Fernan G. Emberga

unawain n’yo sana ako
kung ako ma’y nagkulang
sa aking pagpapalaki
at pag-aaruga sa inyo
ako ay tao lamang
na hindi perpekto
at may kapintasan
anuman ang kamalian
hindi ko ito ninais
at kagustuhan
ang mahalaga’y aking sinikap
na ipadama ang paglingap
at tunay na pagmamahal
ng magulang
sa kaniyang mga
‘palabyaw’ na anak
sa pamamagitan
ng mga wastong pangaral
hindi ko rin hinangad
na kayo ay saktan
at pagbuhatan ng kamay
bilang paraan ng parusa
sa inyong mga kamalian
sapagkat sa tuwing
balakin ko ‘yon
nanunumbalik sa akin
ang nakaraan
kung paano ako
hinubog at pinalaki
ng aking mga magulang
sa pamamagitan
ng dahas at bulyaw
na marahil siyang dahilan
ng aking kahinaan
at karuwagan
na ulitin sa inyo
kung paano ako pinanday
sa hagupit ng yantok
at patpat ng kawayan
o anumang pamalong
kanilang mahawakan
saksi ng aking lumipas
ang mga bakas ng sugat
at peklat sa aking katawan
ayokong lumaki kayo
na taglayin ang himutok
sa inyong magulang
na dapat sana’y
gawing n’yong huwaran
pagdating ng araw
kung kayo naman
ang nakatayo
sa aking kalagayan.
sinikap kong mag-aral
at gawing guro
ang mga karanasan
sinadya kong palawakin
ang pang-unawa’t kaisipan
upang matotong magpatawad
at hindi lunurin
ng silakbo ng emosyon
na pinatingkad ng
kakitiran ng isip
at kamangmangan
ang paghuhusga
sa tuwing gugulantangin
ng inyong kapusukan
sa panahon ng inyong
pagtuklas at pagkilala
sa hiwaga ng buhay
at sana’y ganito rin
ang gawin n’yong pagtrato
sa aking mga magiging apo.

MENDIOLA MASSACRE
Ni Fernan G. Emberga


Iba’t ibang mukha ang aking nakita
Sa hanay ng mga magsasaka
Mula sa mga pitak sa kanayunan
Nilakbay nila ang kalunsuran
Upang isigaw ang karaingan
Lupa para sa mga nagbubungkal!

Hindi alintana ang init ng araw
Habang inaayos ang hanay sa liwasan
Namalas ko sa gitla ng kanilang mukha
Ang larawan ng mga kanayong nilisan
Iisa ang kanilang hibik at palahaw
Karapatan sa lupang sakahan!

Umaawit sa galak ang puso ko
Sa piling ng mga bagong kasama
Sa yugto ng pagsasanib ng pwersa
Ng kabataang mag-aaral at magsasaka
Ng uring anakpawis at peti-burgesya
Sa isang demo patungong mendiola

Libu-libong manggagawang bukid
Mula sa mga sakahan sa lalawigan
Ang bumagtas sa kalye ng maynila
Upang igiit ang tunay na reporma
Na magpapalaya sa uring magsasaka
Sa kuko ng mga panginoong maylupa

Katatapos lang noon mananghalian
Ang mga opisyal ng malakanyang
Nang salubungin ng kanilang mga berdugo
At paulanan ng bala ang mga pesante
Enero 22, 1987, nang itala sa kasaysayan
Ang karumaldumal na masaker sa mendiola

Malagim na tagpo’ng aking nasaksihan
Kung saan mistulang uhay ng palayan
Na humahapay sa ihip ng hanging amihan
Ang mga magsasakang tumitimbuwang
Habang tumatagos sa kanilang katawan
Ang sumasagitsit na tingga ng kamatayan

Sang kisap mata’y naghalo ang sangsang
Ng pulbura at dugo ng mga biktima
Labintatlong martir ang nag-alay ng buhay
Sa makasaysayang tulay ng pakikibaka
Na ang ponembre’y patuloy na umaalingaw-ngaw
Lupa, hindi bala! Sakahan, hindi libingan!

NAGALIT ANG PILAY SA HABA NG TULAY
Ni Fernan G. Emberga

Paika-ika, pausad-usad
Hilahod na sa paglalakad
Kulang na lang gumapang
Sa tinatahak na landas

Sinusukat bawat hakbang
Paligid ay gumigiwang
Nagmistulang baku-bako
Kahit patag ang daan

Ngunit hindi alintana
Ang guhit ng kapalaran
Tuloy pa rin ang pagtulay
Sa miserableng buhay

Pikit-matang sinusuong
Ang unos at daluyong
Buong tatag na humaharap
Sa hamo’y ‘di umaatras

Hamak man ang kalagayan
Balewala ang kapansanan
Sumasayaw man ang tulay
Tuloy pa rin sa paglakbay

Ngunit saan magtatapos
Ang damdaming iginapos
Sa panlalait na tumatagos
Sa pusong nagpupuyos

Hanggang sa bumigay
Ang hangga sa sukdulan
Dahil sa haba ng tulay
Sumabog sa galit ang pilay

ALITAPTAP, ANG NAGTAMPONG KAIBIGAN
Ni Fernan G. Emberga

munting talang lumilipad sa ibabaw ng halamanan
sinasamyo ang halimuyak ng natutulog na bulaklak
ang taglay mong dagitab ay sulo ng magdamag
pag-asang tumatanglaw sa munti kong pangarap

aking kaibigan, isa kang marilag na bituin
sa gabing madilim lalo kang nagniningning
pagbigyan mo sana ang tangi kong hiling
huwag ka nang lilipad ng palayo sa akin

sa panglaw ng buhay ikaw ang tanglaw
inakay mo ako sa hardin mong makulay
sa angkin mong liwanag napawi ang lumbay
ng gabing mahamog at pusikit sa karimlan

ngunit dumating ang takdang ‘di natin inasahan
ang gabing sumaksi sa ating paghihiwalay
nung ako’y magpasyang sa’yo’y magpaalam
upang lisanin ang lugar na ating tagpuan

pansamantala lamang ang aking paglayo
‘yan ang sumpa ko at binitiwang pangako
para palakasin ang loob ng nalungkot na kalaro
upang hindi ka mangulila sa ating pagkakalayo

hanggang sa dumatal ang aking pinanabikan
ang muli kong pagbabalik sa ating tipanan
una kitang hinanap pagkagat ng karimlam
ngunit nilisan mo na rin pala ang dating tagpuan

malaki na rin ang ipinagbago ng ating paligid
ginawa nang subdibisyon ang palaruang bukid
nilunod na rin ng liwanag ang gabing pusikit
kaya’t tuluyang lumisan ang kaibigang marikit

nasaan ka na ngayon kaibigan kong alitaptap
pati ang buong kawan mo ay tuluyan nang lumikas
sa gunita ang liwanag mo’y ‘di ko hahayaang kumupas
upang manatiling tanglaw sa mumunting pangarap

AKING BIKOL (AQUI NIN BICOL)
Ni Fernan G. Emberga

aking bikol
ikaw ang pinagmulan
inaruga mo ako
kinalinga’t minahal

pinasaya mo ako
sa aking kamusmusan
ikaw ang gabay
sa kawalang-malay

pinanday mo
ang aking katatagan
hinubog mo ako
sa kagandahang-asal

aking bikol
‘aqui’ mo akong tunay
saan man makarating
di ka malilimutan

tinuruan mo ako
mabuhay ng marangal
ikaw ang sandigan
nitong aking buhay

talino ko’t kasipan
sa’yo ko inutang
ikaw ang unang guro
sa taglay kong kaalaman

aking bikol
‘aqui’ mo ‘kong ‘palabyaw’
paano ko malilimot
yakap mo’t pagmamahal

o aking dakilang ina
rehiyong bicolandia
ang orgulyo mong anak
ay ikinararangal ka.
TIWALA SA TIWALI
Ni Fernan G. Emberga

mga kababayan
sa darating na halalan
huwag n’yong kalimutan
na isulat sa balota
ang aking pangalan
laan akong maglingkod
ng buong katapatan
at laan rin namang
inyong paglingkuran

kapag ako’y naluklok
doon sa batasan
gagawin kong lahat
ng aking makakaya
upang mapaunlad
itong ating bayan
kaya’t ipagkatiwala n’yo
ang inyong boto
pagkat susuklian ko ito
ng mahusay na serbisyo
upang umasenso
ang pobre nating distrito

ilan lamang yan
sa buladas at pambobola
ng mga pulitiko
kapag nasa tribuna
lahat ay ipapangako
sa botanteng masa
para lamang makuha
ang boto’t kumpiyansa

ngunit pag nagtagumpay
at sila’y nahalal na
ni ha, ni ho
wala ka’ng maririnig pa
‘pag sinadya mo naman
sa kanyang tanggapan
huwag lang masukol
ika’y pagtataguan
mahirap nang hanapin
hindi na rin malapitan

sa sipag ni kongresman
doon sa batasan
dumami ang silyang
kanyang nabutasan
sa oras ng debate
sa komite at bulwagan
tiyak na mapapanis lang
ang kanyang laway
sapagkat miyembro pala
ng komiteng katahimikan

kapag walang sesyon
kapulungan ng kongreso
nagbabad sa hotel
magdamag sa casino
sa halip na umuwi
sa kanilang distrito
upang konsultahin
sana ang mga tao
na kanyang pinaasa’t
nilunod sa pangako

kung gaano kabobo
nitong si deputado
maghain ng panukala
at sumali sa diskurso
siya namang talino
mag-lobby ng pondo
sa tanggapan ni speaker
hanggang sa palasyo
upang pork barrel niya’y
hindi na maatraso

unang proyekto
nitong si kongresman
na kanyang ipinagyabang
sa mga kababayan
farm to market road
o road to his farm
na sa totoo lang
wala ring pakinabang
mga botanteng nagtiwala
at umasang bubuti
ang kinabukasan
sa kamay ng kanilang
tiwaling lingkod-bayan.
KUMITID AT KUMITAD
Ni Fernan G. Emberga

umiikot lang
ang paghihiraya
walang nararating
at walang hantungan

gustong baguhin
ang kabulukan ng lipunan
ngunit hindi maituwid
ang sariling kalikuan

sinasansala
ang kakitiran ng iba
pero hindi makita
ang sariling dogma

galit sa dayuhan
at sa mga tutang burukrata
ngunit ang doktrina’y
sa banyaga rin kinopya

hindi na umunlad
ang binansot na kaalaman
kumitad ang utak
sa de-kahong pananaw

ang dating pinupuna
siya ngayong ginagaya
pati panunulisan sa masa
ng nabangkaroteng luma

walang katapusan
ang pakikibaka
sapagkat hindi rin alam
kung saan dapat mag-umpisa

paikot-ikot lang ang larga
ng kasaysayan ng rebolusyon
dahil sa kawalan rin
ng kongkretong direksyon
HIWAGA NG LAPTUKAY
Ni Fernan G. Emberga

isang umaga ginulat mo ako
nang bigla kang sumulpot
sa tabing bakod
sa sukal ng mga damo
at mga halamang ligaw
anong hiwaga kaya
ang dala mo sa’yong paglitaw
o anong hiwaga naman kaya
ang ihahatid mo
paano ka tumubo
umusbong at lumago
gayung hindi ka itinanim
ni walang nag-alaga
at dumilig sa’yo
maliban sa patak ng ulan
at hamog ng gabi
ngunit lalo mo kong binigla
nang umusbong sa’yong sanga
ang mga busal at bunga
na tila iyong ipinagyayabang
hanggang sa mahinog
at maging katakamtakam
yan ba ang silbi mo
o mahiwagang laptukay?

MUNTING ANGHEL
Ni Fernan G. Emberga

tahan na o aking bunsong sinta
sa ugoy ng duyan ipaghehele ka
awit kong oyayi patutulugin ka
at sa pagkaidlip babantayan kita

meme na oh munti kong anghel
hulog ka ng langit sa aming piling
ng ‘yong inang ubod ng lambing
sa pag-aruga ng kanyang supling

bawat mamutawi sa ‘yong bibig
mistulang musika sa’ming pandinig
matining na hibik at mga hagikhik
kay sarap marinig monti mong tinig

sa iyong pagkahimlay sa duyan
larawan ka ng kawalang-malay
habang kita’y pinagmamasdan
may sumagi sa isip ko’t balintataw

pilit sinalamin sa maamo mong mukha
tulad rin ba kita nong ako ay bata pa
pinuspos ng pag-ibig at pag-aruga
ng mga mapagkalingang ama’t ina

KALYENG LIBINGAN
Ni Fernan G.Emberga

ano ba ang nangyari
sa ating kalye
mula nang mawala si marcos
at umupo si cory
tila napabayaan na
ang ating lansangan
mula irosin hanggang ariman

mabuti pa noon
nung kami’y bata pa
nagagawa pa naming magbisikleta
mula sa bulusan
at sa gubat papunta
‘pagkat ang daan ay maayos pa

hindi tulad ngayon
masahol pa sa mukha ng buwan
ang ating kalyeng baku-bako
at patlang-patlang
kaya’t ang bisikleta
ay pinapasan na lang
sa halip na sakyan

ang bayang bulusan
itinuring na paraiso
sa likas na ganda’y
dinadagsa ng dayo
ngunit ang daraanan
ay mistulang kalbaryo

anupa’t ‘di na ipinagtaka
lalong hindi rin ikinabigla
nang may isang nagpanukala
na gawing libingan ng patay
ang ating lansangan
upang kahit papano ay mapahiran
ng konting semento ang ating daan.

BULAKLAK NG PAGLAYA
Ni Fernan G. Emberga

malaon kang ibinilanggo
sa talukap ng ‘yong kabubutan
ngunit naging matatag ka
sa ‘yong kapasyahan
hanggang sa unti-unti
mong nailugso ang tabing
na pumipigil sa ‘yong pagbubukadkad
at nalasap mo ang kalayaan
IKAW
Ni Fernan G. Emberga

kausap
ngunit ‘di maunawaan
abot kamay
ngunit ‘di mahawakan
katabi
ngunit ‘di makanti
kaharap
ngunit ‘di masilayan
kayakap
ngunit ‘di mahagkan
kaulayaw
ngunit ‘di madampian
ng mainit na pagmamahal
o sadyang ikaw
ay isang pangarap lamang
MAKATANG WALANG MAISULAT NA TULA
Ni Fernan G. Emberga

binasag ng takatak ng teklado
ang katahimikan ng gabi
nakikipag-unahan sa tik-tak
ng antigong orasan
sumasaliw sa huni ng kuliglig
sa labas ng ulilang bakuran
nakabibingi ang musikang
nanunuot sa hibla ng katinuan
ng isang ligaw na kaluluwang
sa dilim ay naglalamay
mas masinsin pang marinig
ang buntong hininga
keysa sa usal na hinuhugot
sa nanunuyot na lalamunan
iniimpit ang hinagpis
sa sumisikdong pagkabalisa
nilunod na ng ligalig
ang kanyang mga hibik
at palahaw na nasadlak
sa kumunoy ng agam-agam
mapanglaw pa sa gabi
ang kanyang diwa
kasing lamlam ng diklap ng gasera
ang talukap ng mata
wala ni isang paksang gumigitaw
sa balintataw
ni hindi makabuo ng taludtod
ng saknong at parirala
sing-ilap ng gamo-gamo
ang mga kataga at salita
malikot at makislot
ang guni-guni’t salagimsim
umiigkas nga ang mga salita
ngunit wala itong katuturan
ang mga taludtod
saknong at pariralang kumakawala
ay kusang nalulusaw sa kawalan
hindi masilo at maitugma
sa balangkas ng isang tula
na obrang kinakatha
pusikit ang dilim ng gabi
nakabibingi ang katahimikan
naidlip na ang mga kulilig
nagluluksa na ang orasan
maging ang teklado ng makinilya
ay naumid na sa pagnanasa
ng kanyang panginoon
na makapaghabi ng katha
ang makatang kailan ma’y
di na makapagsusulat ng tula.
MALIKMATA
Ni Fernan G. Emberga

Mahirap gisingin ang gising
pagkat mahirap ding patulugin ang tulog
paano mo nga naman pagsasalitain ang pipi
gayung hindi mo mapagsabihan ang bingi
parang pinatakbo mo ang lumpo
at pinatahan ang hindi naman umiiyak
ngunit mas mahirap humalakhak ang nagluluksa
at humagulgol ang nagdiriwang
dahil paano mo makikita ang dilim
habang nangangapa ka sa liwanag
bakit mo nga naman mauunawa
ang hindi maintindihan
samantalang batid mong importante sa lahat
ang pinakamahalaga
magagawa mo bang imulat ang masa
gayung ikaw ang ipinaghehele nila
hoy Juan bumangon ka na
dahil oras na upang matulog ka!

SA AKING PAGTAWID SA TULAY
Ni Fernan G. Emberga

sa aking pagtawid sa tulay
huwag ka sanang mamangha
tulad nung hinayaan mo akong
pumili ng landas na aking tinahak
sa sangandaan ng buhay
hindi ka sana mabahala
at huwag mo rin sana akong pigilan
kung tawirin ko man ang tulay
sapagkat ito ang hantungan
ng aking pagsusuri at pagpapasya
sa pagtupad ng aking takda
MALAYANG TULA
Ni Fernan G. Emberga

hindi maaaring ikulong sa saknong
ni hindi maipipiit sa taludtod
at maibabartolina sa sukat
ng animan at labindalawahang pantig
ang balangkas ng mga kataga’t parirala
at hindi rin tutulot na igapos sa tanikala
ng rima ang dulo ng mga salita
lalong hindi paaawat sa mga bantas
ang daloy ng diwang ibinabadya
ni hindi mapahihinto ng tanda at tuldok
ang kaisipan sa tigmak ng tintang umagos
hindi rin maibibilanggo sa mga pahina
ng aklat ang isang malayang tula
KUNG ANG REBOLUSYON AY TAGISAN NG TULA
Ni Fernan G. Emberga

kung ang rebolusyon ay tagisan lamang ng tula
noon pa sana naitatag ang isang lipunang malaya
wala nang pang-aapi at mga pagsasamantala
pantay na rin sana ang malalakas at mahihina

sa dami ng mga makatang rebolusyunaryo
aapaw ang kanilang akda sa pambansang plenaryo
mangingibabaw tiyak ang kanilang argumento
at mananaig ang matalas na diwa sa diskurso

kung ang rebolusyon ay pingkian lamang ng salita
matagal na sanang nalagot ang gapos at tanikala
nakamit na sana ng bayan ang dakilang adhika
ang pagsikat ng mapulang araw ng paglaya

ngunit ang himagsikan ay paligsahang reyalidad
labanan ng ngipin sa ngipin at ng lakas sa lakas
at sa digma’y namamayani ang bagsik ng armas
dahil mas mapagpasya ang higit na marahas

sapagkat ang rebolusyon ay isang hantungan
ng tunggalian ng uri sa maka-uring lipunan
palahaw sa panulat ay mawawalan ng saysay
at ang nagiging materyal ay ang karahasan

pagka’t dahas ang komadronang magpapaluwal
ng isisilang na bagong sistema at kaayusan
na ipinagbuntis at huhugutin mula sinapupunan
sa pagsabog ng patubigan ng bulok na lipunan

bagaman ang tula ay mahusay na inspirasyon
ng mga kadreng sa digmang baya’y nagsusulong
ngunit ‘di ito sapat na sandata para sa nilalayon
dahil ang literatura’y kailangan rin ng rebolusyon
KATALIK NG WIKA
Ni Fernan G. Emberga

ang wika kapag hindi ‘sinasalita ay napaparam
katulad ng wikang latin na itinuring nang patay
ngunit kung masigla itong ginagamit sa talastasan
lalong yumayabong kapara ng punong malabay

ang wikang tagalog, ugat ng pambansang wika
pinagyayaman at nililinang ng mga dakilang makata
manunulat, mang-aawit, mananalumpati at manunula
wikang nagtatanghal sa makabayang adhika

ito rin ang wikang gamit ng mga naghimagsik
laban sa pananakop ng mga dayuhang manlulupig
maging sa salinlahi ang wika ring ito ang nagbigkis
naging tagapagkalinga sa bayang ginahis

ngunit ano’t tila wika nati’y hindi pa rin malaya
sa kolonya at pananakop ng mga wikang banyaga
pati ang abakada bakit hinayaang magahasa
nagsilang pa ng bastardong titik na may lahing banyaga

ito ba ang kahulugan ng pag-unlad at paglago
ng wikang pamana sa atin ng ating mga ninuno
o baka naman ito ang hantungan ng pagkakanulo
ng mga bagong makapili at makadayuhang pinuno

anupa’t dinggin n’yo ang aking panawagan
mga kapwa ko manunulat na sa baya’y nagmamahal
tangkilikin natin sa panulat ang wikang makabayan
iwaksi ang kahangalan ng wikang sa dayo’y ibinugaw

pagkat walang ibang magmamalasakit at makauunawa
sa mensahe ng hibik at halakhak ng ating mahal na wika
sadyang wala na ngang iba - wala na nga, wala
kundi tayong mga katalik niya sa ating mga katha
BATAS MILITAR:SA GUNITA NG WALANG MALAY
Ni Fernan G. Emberga

salamat sa kamusmusan
ni hindi ko yata namalayan
ang paglukob ng dilim
sa pahina ng kasaysayan

ang tanging gumuguhit
sa aking isip at gunita
noong ako’y paslit pa
ay masasayang karanasan

sariwa pa sa isip ko
ang aking mga kalaro
ang aming mga nilaro
mga sariling likhang laruan

hindi ko malilimutan
ang sarangola at trompo
holen, tirador, tatsi, kadang
baril-barilan at bahay-bahayan

paano ko malilimot
ang habulan, taguan-pong
patintero, tsako, football
sipaan, santarin at volley ball

ang aking hinahanap-hanap
ay ang aming playground
bukid, bundok, ilog, parang
tabing dagat at bakuran

liwanag ng buwan
ningning ng bituin at alitaptap
ang aming tanglaw
kapag ginagabi sa palaruan

salamat sa kawalan ng muwang
ni hindi ko gaanong namalayan
ang mga pagyurak sa karapatan
noong panahon ng kadiliman

sa pagkamulat ng isipan ko
ay saka ko lang napagtanto
ang mahimbing na pagkatulog
noong panahon ng martial law
PAGGAGAP
NI Fernan G. Emberga

Sumungaw sa diwa ang pagkabatubalani
Ang pagkaantig sa ningning ng mga ilaw
Na bumabalatay sa istruktura at mga gusali
At umaagos sa kahabaan ng mga lansangan
Paruot-parito ang hagod ng mga sasakyan
Na sala-salabat sa banig nitong kalunsuran

Isa ka sa laksang gamu-gamong napadpad
At narahuyo sa kinang ng kalunsuran
Nasilaw ang ‘yong mata sa mga hungkag
Na pangakong sumilo sa‘yong pagkatao
Iwinaksi mo ang paraisong kinalakhan
Kapalit ng inakalang nirbana sa kabihasnan

Hanggang sa masumpungan mo ang sarili
Sa sukal ng gubat na nagbubuyang-yang
Ng iba’t ibang uri ng mapagkunwaring halimaw
Mga kaluluwang nagbabalatkayo sa maskara
Ng mga payasong dumurog sa’yong kaluluwa
At lumalait sa bagong saltang estranghero

Ngunit nagawa mong suungin ang daluyong
Languyin ang pusali at burak ng lungsod
Nagawa mong sumisid sa kalaliman ng imburnal
Ng nakasusulasok na sangsang ng basurahan
Kinaya mo ring langhapin ang maitim na usok
Ng tambutso ng makina’t tsimneya ng pabrika

Hanggang sa unti-unti mong natutunan
Ang paggagap sa kultura ng kabihasnan
Nagawa mong sumabay sa takbo ng panahon
Sumayaw sa tugtog at makinig sa ingay
Maging sibilisado at mamuhay sa siyudad
Sa kulambo ng pagkukunwari’t pagpapanggap

Sunday, June 29, 2008


BAGYO SA BIKOL
Ni Fernan G. Emberga

doon po sa amin sa rehiyong bikol
may bagyong dumaan sing-lakas ng kanyon
umaatungal na parang dambuhalang leon
nakabibingi ang ingay ng kanyang alulong

sa lakas ng hangin nagigiba ang bundok
napupulak ang puno pinapatag ang burol
umaapaw ang ilog sa ulang bumuhos
bumabaha sa patag tubig na umagos

tunay na malakas ang unos doon po sa amin
bagyong yoyoy, gloring, milenyo at reming
walang sinanto taglay nilang hangin
napinsala ang daan, tulay, gusali’t pananim

lahat na yata ng bagyong pumasok sa bansa
sa bikol dumaan at nagsimulang manalasa
kumbaga sa highway rehiyon singko ang entrada
ng mga super typhoon tunay na mapamuksa

ngunit hindi ito alintana nitong mga bikolano
anuman ang kalamidad dulot ng bagyo
pumutok man ang bulkan at mag-alburuto
nananatiling matatag sa anuma’ng indulto

paglipas ng unos tuloy ang takbo ng buhay
muling babangon at papawiin ang lumbay
nitong mga bikolanong masayahing tunay
hindi iniinda ang luksa, pighati’t kalungkutan

doon po sa amin naging paksa pa ng biruan
bukambibig sa huntahan, kuwentong katatawanan
na kapag may bagyo raw una pang sinusuhayan
ang puno ng siling labuyo kaysa dampang tahanan

lakas ng bagyo sa bikol wala na raw papantay
kumakalas ang balat ng umatungal na kalabaw
nabubunot ang lamang-ugat ng kamoteng gapang
pati sinag ng flashlight sa hangin ay natatangay