Dagos tabi kamo!

A compilation of literary works, views, images, videos and straightforward discourse on politics, economy, culture, arts, society and current events. The blogger is native Bicolano from Sorsogon. Although he is considered as a pride of Bicol (Orgullo nin Bicol), he writes and speaks fluent Tagalog than dialects. Read on as he shares her views on various issues.

Pages

Powered By Blogger

Sunday, June 29, 2008


BAGYO SA BIKOL
Ni Fernan G. Emberga

doon po sa amin sa rehiyong bikol
may bagyong dumaan sing-lakas ng kanyon
umaatungal na parang dambuhalang leon
nakabibingi ang ingay ng kanyang alulong

sa lakas ng hangin nagigiba ang bundok
napupulak ang puno pinapatag ang burol
umaapaw ang ilog sa ulang bumuhos
bumabaha sa patag tubig na umagos

tunay na malakas ang unos doon po sa amin
bagyong yoyoy, gloring, milenyo at reming
walang sinanto taglay nilang hangin
napinsala ang daan, tulay, gusali’t pananim

lahat na yata ng bagyong pumasok sa bansa
sa bikol dumaan at nagsimulang manalasa
kumbaga sa highway rehiyon singko ang entrada
ng mga super typhoon tunay na mapamuksa

ngunit hindi ito alintana nitong mga bikolano
anuman ang kalamidad dulot ng bagyo
pumutok man ang bulkan at mag-alburuto
nananatiling matatag sa anuma’ng indulto

paglipas ng unos tuloy ang takbo ng buhay
muling babangon at papawiin ang lumbay
nitong mga bikolanong masayahing tunay
hindi iniinda ang luksa, pighati’t kalungkutan

doon po sa amin naging paksa pa ng biruan
bukambibig sa huntahan, kuwentong katatawanan
na kapag may bagyo raw una pang sinusuhayan
ang puno ng siling labuyo kaysa dampang tahanan

lakas ng bagyo sa bikol wala na raw papantay
kumakalas ang balat ng umatungal na kalabaw
nabubunot ang lamang-ugat ng kamoteng gapang
pati sinag ng flashlight sa hangin ay natatangay